Wednesday, March 26, 2014

Yolanda Survivor Shares Recovery Story


Yolanda survivor Merlinda Inocencio of Estancia, Iloilo shared the following story of how her family is rebuilding their fishing livelihood, during the 22nd annual membership meeting of the Center for Community Transformation Group of Ministries in March 2014. To read this story in English, please click HERE

Magandang gabi po sa lahat! Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa pagkakataon na maipaalam sa marami ang kanyang kabutihan sa akin at sa aking pamilya.  Ako po ay si Merlinda Inocencio ng Estancia, Iloilo. Ako at ang aking asawa ay may apat na anak at anim na apo.  Ang pamilya ko po ay kabilang sa mga sinasabing fisher folk. Ang aming bayan na Estancia ay binansagang ‘Alaska of the Philippines’ dahil sa dagat sa paligid namin nanggagaling ang maraming alimasag na mabibili dito sa Maynila.

Ako po ay isang community partner ng CCT.  Walong taon na po akong nakakatanggap ng mga microfinance loan mula sa CCT Credit Cooperative. Sa tulong po ng mga  loan na ito, ako po ay nakapagpundar ng dalawang pumpboat na ginagamit sa pangingisda; ang nahuhuling isda ay binebenta ko sa fish port ng Estancia. Sa pagpapala ng Panginoon nakapagtapos ng college ang lahat ng anak ko. Ang panganay commerce ang natapos, ang sumunod ay nursing ang natapos, at ang dalawa ay IT. 

Ang mga bangka namin ay nakapagbigay rin ng trabaho sa sampung ulo ng pamilya bilang piloto, makinista, at pahinante. Ang mga tatay na ito ay sumusuporta sa 25 na mga bata.

Ang Estancia ang isa sa mga bayan na malubhang tinamaan ng Yolanda.  Naranasan po namin ang magkaroon ng walong talampakan na tubig sa loob ng bahay. Kinailangang tumalon kami mula sa aming terrace para makaligtas. Salamat sa Panginoon na walang nalunod sa amin, at ang buong pamilya ay buhay.

Maraming salamat sa mga ginamit niya upang mabigyan kami at mga kapitbahay ng relief pagkatapos ng Yolanda.  Napuntahan din kami ng mga doctor at nabigyan ng kailangang mga gamot.    

Ang na-apektohan ng husto ay ang aming kabuhayan at isa sa aming trabahador.  Hindi na namin nakita muli  ang dalawang pump boat namin, at isa rin sa mga nagtatrabaho para sa amin ang hindi pa makita hanggang ngayon.

 Dahil sa wala kaming alam na ibang pagkakakitaan kundi ang pangigisda, malaking bagay ang muli akong napahiram ng CCT para makapagsimula muli sa pagnenegosyo.  Ako ay binigyan ng P70,000 na loan at ito ay ginamit ko na ipambili ng panibagong pump boat, motor, at mga net.  Muli na po kaming nakakapangisda at muli na rin po ako nakakapagtinda sa fish port.  Malakas po ang aking pag-asa na muli pong babangon ang aming kabuhayan sa at pagpapala na rin ng ating Panginoon.

Ang pagpapalang ito ay ipinapaabot ko rin po sa mga anak ng aming trabahador na nawala sa Yolanda. May naiwan po siyang dalawang anak na babae, isang grade 7 at isang grade 4.  Nakatira po sila ngayon sa Bantayan Island sa Cebu.  Pinapadalhan ko po ang mga bata ng tulong para makapagpatuloy sila ng pag-aaral.  

Pagkatapos po ng Yolanda, nagsimula pong magkaroon ng Sunday worship services sa CCT office sa lugar namin.  Ako po ay regular na dumadalo dito.  Ginamit ng Panginoon ang bagyong Yolanda para ako ay mapaalalahanan ng kahalagahan ng ating relasyon sa kanya.  Nakita ko sa bagyong ito na wala tayong magagawa liban sa kanya, na hawak niya ang ating buhay at ang lahat ng pangyayari sa mundo ay na sa kanyang pamamahala. 

Maraming salamat po at pagpalain nawa tayo ng Panginoon!



No comments:

Post a Comment